Ni LILY REYES
SA pagtatapos ng palugit na ibinigay sa mga operators ng mga traditional jeeps para magpa-consolidate alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, target ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simulan ang pagtugis sa mga anila’y pasok na sa kategorya ng kolorum.
Ayon kay LTFRB Central Visayas Director Eduardo Montealto Jr., dadalhin sa impounding area ang mga traditional jeep na papasada sa mga pangunahing lansangan.
Gayunpaman, nilinaw ni Montealto na hindi kasali sa mai-impound ang mga traditional jeeps na nakapagsumite ng mga dokumento para sa consolidation. Katunayan aniya, bibigyan pa ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan ng 27 buwan (katumbas ng isa’t kalahating taon) na makapamasada.
Paliwanag ng opisyal, layon ng pamahalaan bigyan ng sapat na panahon ang transisyon – mula sa mga aniya’y paog-paog na unit hanggang sa makabagong public transport vehicle na mas kilala ngayon sa tawag na modern jeepneys.
Paglilinaw ni Montealto, hindi pinag-iinitan ng pamahalaan ang mga traditional jeeps, kasabay ng giit na ang gagawing pagtugis ay nakatuon sa mga kolorum.
Una nang nagbabala sa LTFRB chief Vigor Mendoza na hahabulin ng ahensya – kasama ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police (PNP) ang mga traditional jeep na bibiyahe pa rin pagkatapos ng April 30 deadline.
Base sa Joint Administrative Order 2014-01, pagmumultahin ng P50,000 ng LTFRB ang mga operator ng mga traditional jeep na mahuhuling namamasada simula Mayo 1.
