Ni ESTONG REYES
NANINDIGAN si Senador Ronald dela Rosa na hindi gawa-gawa ang dokumentong nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa droga.
Katunayan aniya, hindi lang si Marcos tinukoy sa aniya’y Authority to Operate at Pre-Operation Report na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Marso 11, 2012.
Partikular na tinukoy ni dela Rosa ang aktres na si Maricel Soriano na aniya’y inasinta rin ng PDEA sa naturang panahon.
“Ako masasabi ko, it is existing. It is existing yang papel na yan dahil klaro man sa nature of the paper na tinitingnan ko. Hindi yun AI-generated, hindi yun siya gawa-gawa lang,” wika ni dela Rosa sa isang panayam sa radyo.
“Klaro na siya (dokumento) ay galing sa isang malaking… parang folder. Kung saan tinanggal lang siya sa fastener. Dahil yung pag-picture sa kanya at pag-photocopy ay nakikita sa kanya ang hole puncher na dinaanan niya para ipasok sa fastener” paliwanag ng senador na minsang nagsilbi bilang Philippine National Police Director General.
Sa isang pagdinig ng senado, iginiit ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na peke ang naturang dokumento.
Gayunpaman, iba ang sinabi ni former PDEA investigation agent Jonathan Morales. Ayon kay Morales, tunay at hindi gawa-gawa lang ang Authority to Operate at Pre-Operation Report na kanyang nilagdaan bahagi pa siya ng PDEA.
