Ni LOUIE LEGARDA
ISANG buwan matapos sumingaw ang balita hinggil sa Tourism official na iniwan ang pulong para tugunan ang hiling ng kaibigan na nagpapaturo kung paano gumamit ng “Google Translate,” tuluyan nang nagbitiw sa pwesto si Undersecretary Elaine Bathan.
Batay sa mga naunang ulat sa mga pahayagan, itinigil ni Bathan ang isinagawang online meeting nang tumawag ang kaibigang Mandaue City Treasurer Regal Oliva na namomroblema kung paano gamitin ang makabagong teknolohiya na may kakayahan isalin ang wikang Hapon sa Inggles.
Nag-ugat ang isyu sa isang social media post kung saan buong pagmamalaki niyang ibinida si Bathan na aniya’y iniwan ang meeting para unahin ang kanyang lambing na magpaturo kung paano gamitin ang Google Translate dahil nahihirapan siyang humanap sa Japan ng mga kainan na may English menu.
Gayunpaman, kumambiyo kinabukasan ang ingat-yaman ng Mandaue City Oliva at sinabing “I was only exaggerating and wanted to flex how reliable Bathan was as a friend.”
Ayon sa isang impormante, hindi na pumasok sa departmento si Bathan pagkatapos maglabas ng isang public apology isang buwan na ang nakaraan.
Sa kanyang resignation letter na may petsang Abril 26, walang anumang inilahad na dahilan ang naturang opisyal sa kanyang pagbibitiw sa pwesto.
Higit na kilala si Bathan na malapit na kaibigan ni DOT Secretary Christina Frasco.
