TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tutulungan nito ang mga Overseas Filipinos (OFs) sa Israel at Iran na maaapektuhan kapag nagpatupad ang pamahalaan ng mandatory repatriation dahil sa tumitinding labanan ng naturang mga bansa.
“Ready po ang DSWD. Pag nakatanggap po ng direktiba mula sa ating Pangulo [Ferdinand R. Marcos Jr.,], at of course, sinuportahan po ng ating Kalihim [Rex Gatchalian], handa po ang ating team for that,” saad ni Director Edwin Morata ng DSWD Protective Services Bureau-Crisis Intervention Unit (PSB-CIU) sa DSWD Thursday Media Forum nitong Hunyo 19.
Mayroon aniyang inihanda ang DSWD na mga social worker teams at mga programa at serbisyo para sa mga apektado, kabilang ang kanilang asawa at mga anak. Sinabi pa ni Morata na nakalaan ang medical, food, transportation, legal, funeral at livelihood assistance gayundin ang mental health and psychosocial support ng DSWD para sa mga apektado.
Napaulat kamakailan na walong OFs ang sugatan sa pagpapalitan ng airstrikes at missile attacks ng Israel at Iran. Sa kasalukuyan ay hindi pa ipinag-uutos ni Pangulong Marcos ang mandatory repatriation bagama’t tinutulungan ng pamahalaan na ma-evacuate ang mga nais nang umuwi.
Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na mahigit 100 OFs na ang nagsabing gusto na nilang umuwi upang makaiwas sa digmaan. Base sa datos ng pamahalaan ay umaabot sa 30,000 ang mga Pinoy na nasa conflict areas ng Israel at Iran.
Samantala, sinabi ni Morata na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa DMW para sa serye ng kanilang mga “OFW Serbisyo Caravan” kung saan ay ipinababatid nila sa mga Overseas Filipino Workers ang mga serbisyo ng pamahalaan at kung paano ito ma-a-avail.
Sa isinagawang OFW Serbisyo Caravan noong Hunyo 8 sa Chatel Road sa Hong Kong ay naglagay ang DSWD ng mga Information Desks kung saan ay ipinaliwanag ng mga social workers ang mga programa at serbisyo ng kagawaran para sa mga OFW at kanilang pamilya at paano sila makikinabang dito. Umaabot aniya sa 544 na iba-ibang mga serbisyo ng DSWD ang naipaliwanag nila at na-avail ng 154 na migranteng manggagawa sa nasabing OFW Serbisyo Caravan.
Mayroong higit 200,000 OFWs ang nasa Hong Kong, base sa tala ng DMW.
Kasunod ng Hongkong ay nakatakda ring dumayo ang OFW Serbisyo Caravan sa Qatar, United Arab Emirates (UAE), Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Taiwan, Japan, Singapore, Malaysia, Italy, at United Kingdom. 30 (Reggie Vizmanos)
