BABALA ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre lll, bawal sa lahat ng pulis, partikular sa mga commander na magpalamig lang sa kani-kanilang opisina.
Sa halip na umano’y makita sa komunidad na nagpa-patrolya o nagroronda sa lansangan, dapat aniyang maramdaman ng publiko ang mabilis na aksyon ng mga pulis sa mga tawag sa 911-hotline.
Kasunod ito ng malawakang implementasyon ng 5-minute response sa buong bansa. Ayon kay Torre, kung wala aniya sa kalye ang isang pulis at hindi umaksyon sa loob ng limang minuto, malinaw na hindi umano ginagawa ng pulis ang kanyang trabaho.
Isa sa tinalakay sa command conference, ang kahalagahan ng komunikasyon o “handheld radio” para agad na makaresponde sa mga emergency tawag sa 911-hotline.
Kasabay nito, inatasan ang lahat ng police commander’s na agad i-report sa logistical at technical concerns ang mga depektibong komunikasyon para maresolba at makabalik sa operasyon.
Matatandaang, sinibak sa pwesto ang walong chief of police sa Metro Manila nang hindi nito matugunan ang direktibang 5 minute response.
