
NI ESTONG REYES
PARA tiyakin hindi na muling bubulabugin ng madilim na bahagi ng kasaysayan ang Pilipinas, hinikayat ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang posibilidad ng muling pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
“Let us rejoin the ICC. We should treat this as our ‘insurance policy’ just in case ‘our system’ fails us and we get to elect an abusive, tyrannical, heartless leader, and our justice system fails us too,” pahayag ni Pimentel sa harap ng mga miyembro ng diplomatic community sa ginanap na foreign policy address sa Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan.
Taong 2018 nang ihayag ni former President Rodrigo Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC bunsod ng isinusulong na imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon.
Sa ilalim ng umiiral na sistema ng bansa, bahagi ng mandato ng isang nakaupong pangulo ang magpasya kung aanib o hindi ang Pilipinas sa international tribunal.