SA muling pag-arangkada ng sesyon sa ilalim ng 20th Congress, tiniyak ng mayorya sa Kamara ang puspusang pagtalakay sa nalalabing 26 priority legislative measures ng administrasyon.
“We have so far passed 26 measures, or half of our target, during the First Regular Session of the 20th Congress. We will work on approving the rest in the course of our Second Regular Session,” pahayag ni House Majority Leader Sandro Marcos.
“Sisiguraduhin natin na ang mga panukalang batas na ito ay makakatulong sa ating Pangulo at lalong-lalo na sa ating mga kababayan para guminhawa kahit papaano ang kanilang buhay,” dugtong ng kongresista mula sa Ilocos Norte.
Kabilang rin aniya sa priority measure na target aprubahan ng Kamara ang panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care Act, para sa mas malawak na benepisyo sa mga maralitang Pilipino.
Anang Ilocos Norte solon, titiyakin din ng Kamara ang mas simple at mahusay na pagpapatupad ng mga batas upang mas madaling mapakinabangan ng mga mamamayan ang mga programang ninais ng Kongreso na maisakatuparan sa pamamagitan ng mga naipasang proposed measure.
“Dapat matanggap at maramdaman ng ating mga kababayan ang mga benepisyo na nakalaan para sa kanila sa ilalim ng ating mga batas,” punto pa ni House majority leader.
Ani Marcos, may iba pang mga panukalang batas ang ipupursige ng Kamara para sa iba’t ibang sektor.
Kabilang sa mga binanggit ng batang Marcos ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act at ang the Magna Carta for Small and Medium-Scale Enterprises.
Sa usapin naman ng pagpapalakas sa transparency at good governance, sinabi ni Marcos na nakahanay dito ang paglalayong maamyendahan ang Bank Secrecy Law at Anti-Money Laundering Act.
