GANAP nang pinawalang-sala ng Court of Tax Appeals (CTA) ang tinaguriang ‘pork barrel queen” kaugnay ng 12 kaso ng tax evasion.
Sa inilabas na kapasyahan ng korte, nabigo di umano ang prosekusyon patunayan ng walang bahid alinlangan ang mga paratang laban kay Janet Napoles.
Sa 84-pahina ng resolusyon, iginiit ng Second Division na wala ng dahilan para litisin ang 12 kaso tax evasion at mga paglabag sa Article 254 at 255 ng National Internal Revenue Code.
Batay sa kasong inihain sa husgado, inakusahan si Napoles ng hindi pagbabayad ng tumataginting na P44.7 milyong tax liabilities buwis para sa taong 2004, 2006, 2008, 2009, 2010, 2011 at 2012.
Ayon sa prosekusyon, nagdeklara ng zero net income si Napoles sa mga taong 2006, 2009, 2010, 2011, 2012 – mga panahon kung saan nagkamal di umano ang akusado ng santambak na ari-arian tulad ng mga lupain, negosyo at sosyo sa iba’t iibang malalaking kumpanya sa bansa.
Pasok din diumano sa mga naipundar ni Napoles sa mga nasabing panahon ang mga condominium units, at malalawak na lupain sa Bayambang, Pangasinan, at sa Kidapawan City, mga mamahaling sasakyan at iba pa.
