Ni LILY REYES
NASA tamang direksyon ang pamahalaan pagdating sa usapin ng kampanya kontra droga, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Sa isang pahayag, ibinida ni Abalos ang datos kung saan lumalabas na 28,000 sa kabuuang 42,000 barangay sa bansa ang ganap nang na idineklarang “drug-free.”
Para kay Abalos, malaking bentahe sa kampanya ng gobyerno laban sa bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program na di umano’y nagbigay-daan sa pagka-aresto ng 95,790 drug users at pagkumpiska ng P21 bilyong halaga ng droga.
Ayon pa sa Kalihim, higit na angkop panatilihin ang tinawag niyang “momentum” sa hangarin tuluyang mapuksa ang mga sindikato sa likod ng malawakang bentahan ng droga sa bansa.
Aniya, dapat higitan ang bunga ng 75,831 drug operations ng mga law enforcement agency sa iba’t ibang panig ng bansa, kung saan kabilang sa mga sinampahan ng demanda ang 177 miyembro ng pambansang pulisya.
Hiinikayat rin ng DILG chief ang mga lokal na pamahalaan na tukuran ang community-based drug rehabilitation (CBDR) program sa hanay ng mga kabataang nalulong sa droga.
