
ANG hustisyang hanap ng mga naulilang pamilya, tinumbasan na ng pera ng mga gambling lord na pinaniniwalaang nasa likod ng kabi-kabilang pagdukot ng mga tinaguriang missing sabungero.
Pag-amin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nagtungo na sa Department of Justice (DOJ) ang mga pamilya ng mga missing sabungero at naghain ng ‘affidavit of desistance’ kaugnay ng isinusulong na kaso.
“The affiants or the families of the victims went to the DOJ to execute their affidavits of desistance against the suspects in case number 1 and asking that the case be dismissed against these suspects,” ani Remulla sa isang pulong-balitaan.
“One of the family members was here earlier, noncommittal, but to tell us that they have settled already. May mga affidavits tayo on record about them withdrawing their cases,” dagdag pa ng Kalihim.
Gayunpaman, hindi na sinabi ni Remulla kung ilan sa 34 na nagreklamo ang umatras na sa isinampang kaso.
Sa kabila ng pag-atras, nanindigan ang DOJ chief na hindi basta-basta pwedeng bitawan ng DOJ Prosecutors ang asunto lalo pa’t wala pa naman sumuko o naaresto sa hanay ng mga suspek.
Kabilang sa mga sinampahan ng asunto ng DOJ sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano, Jr. para sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagdukot sa asim na indibidwal sa Manila Arena noong Enero ng nakaraang taon.
Pasok din sa asunto sina James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco and Rowel Gomez na di umano’y nagtungo pa sa Tanay, Rizal para sunduin ang mga biktima gamit ang inarkilang sasakyan na minaneho ng isang John Claude Inonog.
Natagpuang abandonado ang sasakyan sa Barangay Sampaloc ng naturang lokalidad.