NANINDIGAN ang Palasyo na sulit ang mahigit sa P400 milyong ginastos ng gobyerno para sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos sa unang anim na buwan mula nang maupo bilang punong ehekutibo.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, nagsilbing daan ang mga biyahe ni Marcos sa pagsusulong ng mga nakabinbing programa at proyekto ng gobyerno, kasabay ng giit sa aniya’y tagumpay ng Pangulo makahimok ng mga negosyanteng mamumuhunan sa bansa.
Bago pa man naglabas ng pahayag ang Palasyo, isinapubliko ng Commission on Audit (COA) ang resulta ng ginawang pagsusuri ng naturang ahensya sa Office of the President (OP).
Batay sa pagtatala ng COA, pumalo sa P403.088 milyon ang nagastos ng OP sa para sa mga pagbiyahe ng Pangulo noong nakaraang taon. Sa naturang pagsusuri, lumalabas na 10 doble ang itinaas ng pondong naubos ng OP para sa travel expenses ni Marcos noong nakaraang taon.
“The opening of the economy and the lifting of mobility restrictions last year, the President began going around the country to ensure that various programs, projects and assistance of the government reach its intended beneficiaries.”
“Moreover, directly connecting with the local governments, local communities and sectoral groups is an integral part of the President’s decision-making process,” wika ni Garafil.
Isa rin aniyang dahilan sa paglipad ng Pangulo ang mga paanyaya ng pagdalo sa malalaking pagtitipon ng mga negosyante, state visit at iba pa.
“The OP has acceded to some of these requests, knowing that the country and the public, in general, will benefit immensely from the President’s participation in these engagements,” dagdag ni Garafil.
“We reiterate that the administration, guided by its eight-point socioeconomic agenda, avails of opportunities to generate more foreign investments in our post-pandemic recovery initiatives. At the same time, we also hope to elevate our position in the international community through stronger bilateral ties and improved relations with multilateral or international organizations.”