MATAPOS ang malawakang sibakan bunsod ng kabi-kabilang katiwalian, itinaas na ng National Food Authority (NFA) ang farmgate price ng mga palay na ani ng mga lokal na magsasaka.
Paliwanag ng Department of Agriculture (DA), nagpasya ang NFA Council na itaas ang antas ng bilihan ng palay alinsunod sa programang sapat at abot-kayang pagkain sa lahat ng administrasyong Marcos.
Mula sa dating P16 kada kilo, handa na ang NFA bilhin ang tuyong palay na ani ng lokal na magsasaka sa presyong maglalaro sa pagitan ng P23 hanggang P30 per kilo.
Gayunpaman nananatiling mababa ang presyo ng basang palay na bibilhin ng NFA sa halagang P17 kada kilo.
Ayon kay NFA Acting Administrator Larry Lacson, tapos na ang panahon kung saan laging dehado ang mga magsasaka, kasabay ng giit na nasa bagong yugto na ang ahensya.
