ISANG malaking hakbang umano para sa layunin ng pamahalaan na mapatatag ang presyo ng itinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pilipino ang ginawa ng National Food Administration (NFA) na magbenta ng bigas sa halagang P35 kada kilo.
Giit ni Quezon Rep. Mark Enverga na kabilang sa mga punong abala sa likod ng Quinta Committee (Murang Pagkain Super Committee) higit na angkop makagawa ng mga kinakailangang reporma upang matiyak ang proteksyon sa mga magsasaka at konsumer.
Base sa ulat ng Department of Agriculture (DA), nasa 150,000 metriko tonelada (katumbas ng kalahati ng kabuuang buffer stock) ng NFA rice ang lalabas sa susunod na anim na buwan at ibebenta sa murang halaga.
Dagdag pa ng Quezon province lawmaker, layunin ng gobyerno mailapit ang presyo ng bigas sa pre-July 2023 level.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), naglalaro sa halagang P45 kada kilo ang well-milled commercial rice — na mas mataas kumpara sa NFA rice.
Matatandaan na nabuo ang Quinta Committee sa pamamagitan ng House Resolution 254 na akda ni Speaker Romualdez. Sa ilalim ng naturang joint panel ang Committees on Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at Special Committee on Food Security.
“Ayaw nating maulit ang sitwasyon kung saan lumobo ang presyo ng bigas nang walang matinong paliwanag. Hindi tayo titigil hanggat hindi natin natitiyak na abot-kaya ang bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.”
“Salamat sa ating Quinta Comm, sa Department of Agriculture, at sa lahat ng tumulong para maibaba ang presyo ng bigas. P35 kada kilo ng NFA rice ay malaking ginhawa sa mga pamilyang hirap makabili ng mahal na bigas,” dagdag pa ni Enverga. “Pero hindi tayo dapat huminto rito. Ang tanong ngayon: paano natin masisigurong hindi lang panandalian ang presyong ito?,” aniya pa.
Naniniwala si Enverga na isa sa pinakamahalagang hakbang ng gobyerno sa pagpapababa ng presyo ng bigas ay ang Executive Order 62 noong Hulyo ng nakalipas na taon, kung saan binawasan ng pamahalaan sa antas na 15 percent ang taripang sinisingil sa imported rice mula sa dating 35 percent.
Gayunpaman, hindi pa lubos na naramdaman ng mga mamimili ang benepisyo ng naturang mekanismo dahil sa mga problema sa suplay at pagmamanipula ng presyo ng ilang negosyante.
Para kay Enverga, kailangan ipagpatuloy ng gobyerno ang mahigpit na pagpapatupad ng transparency at pananagutan sa presyo upang matiyak na lubos na makikinabang ang mga mamimili sa mga hakbang na nagpapababa ng presyo ng bigas. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
