
SA hangarin alamin ang tunay na sitwasyon sa mga kanayunan ng malalayong lalawigan, hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kapwa kongresista na direktang makipag-ugnayan sa mga nasasakupan.
Partikular na target ni Romualdez timbangin ang epekto ng mga polisiyang naglalayong tiyakin ang matatag na supply at murang bentahan ng bigas sa mga pamilihan
Bukod sa mga kongresista, kinalampag din ng lider ng Kamara ang mga kandidato sa nalalapit na halalan na gawing prayoridad ang mga hakbang na nagpapababa sa presyo ng bigas.
Binigyan-diin niya ang pangangailangan na ipagpatuloy ang mga pagsisikap ng pamahalaan upang makamit ang pangmatagalang solusyon.
Samantala, kinilala ni Romualdez ang maagap na hakbang ng gobyerno, kabilang ang pagdeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng buffer stocks ng National Food Authority (NFA) alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
Aniya, itinakda ng DA ang pinakamataas na suggested retail price (SRP) na P49 kada kilo para sa imported rice simula Marso, habang binebenta naman ng NFA ang imbak na supply sa halagang P35 kada kilo bilang agapay sa mga “low-income families.”
Layunin umano ng mga nasabing hakbang pigilan ang “hindi pangkaraniwang” pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa, sa kabila ng pagbaba ng gastos sa pandaigdigang merkado at mga buwis sa importasyon.
“Alam natin na ang bawat butil ng bigas ay mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino. Nakikita natin ang mga positibong hakbang ng gobyerno, pero hindi pa tayo dapat makampante. Marami pa tayong kailangang gawin para matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa lahat,” ani Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)