NI ESTONG REYES
SA hangaring protektahan ang seguridad ng bansa sa larangan ng enerhiya, nakatakdang bawasan ng Senado ang kapangyarihan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang system operator at network transmission provider sa bisa ng isang panukalang batas.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng Department of Energy, ibinahagi ni Senador Win Gatchalian ang planong paghiwalayin ang tungkulin ng NGCP sa pagsusuplay at paghahatid ng kuryente bilang tugon sa aniya’y walang humpay na aberya ng naturang ahensya.
“Naniniwala ako na ang system operation ng transmission line ay isang monopolyo na sumasaklaw sa Luzon, Visayas, at Mindanao at dapat ay nasa kamay ng gobyerno,” wika ni Gatchalian.
Paglilinaw ng senador, kinikilala ng Kongreso ang pangangailangan para sa kapital na manggagaling sa pribadong sektor – dahilan para panatilihin ang pagmamay-ari ng network transmission sa mga pribadong kamay.
“Ngunit ang system operator na nagdi-dispatch ng kuryente — tulad ng isang traffic enforcer na namamahala sa daloy ng kuryente mula sa mga planta — ay may tungkulin nakatali sa pambansang seguridad, at dapat lang itong manatili sa gobyerno,” dugtong pa ng mambabatas na tumatayong vice-chairman ng Senate Committee on Energy.
Katunayan aniya, nasa huling yugto na sa pagbabalangkas ng panukalang batas na nagtutulak amyendahan ang Republic Act 9511 na nagbigay sa NGCP ng prangkisa para magpatakbo, mamahala, at mapanatili ang pambansang grid ng kuryente ng bansa.
Layon ng panukalang batas na palitan ang franchise tax ng standard corporate taxes. Kung naisabatas na, ihahanay ng panukala ang mga tax obligation ng NGCP sa iba pang electric utilities at posible pa itong magpataas ng kita ng gobyerno.
Sa ilalim ng pinaplantsang panukala, aalisin na aniya ang NGCP mula sa pagsasagawa ng tungkulin sa system operations at magbibigay kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) na tukuyin kung aling mga bahagi ng Transmission Development Plan (TDP) ang itatayo at kung alin sa mga kritikal na proyekto sa imprastraktura ng transmission ang maaaring ipagkatiwala at isagawa sa third party.
Aniya, hangad ng isinusulong na amyenda tugunan ang mga pagkaantala sa pagbuo ng imprastraktura ng grid at bigyan ng insentibo ang NGCP na mapabuti ang construction efficiency.
