IYAN ang tunay na kalagayan ng Pilipinas at walang katotohanan ang sinasabi ng Malakanyang na bumaba ang utang nitong 2022 ng 16%.
Mismong Bureau of Treasury (BTr) ang nagsabing sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr., sumirit ang utang ng 13.71% o P1.67 trilyon, mula P12.1 trilyon noong 2021 hanggang P13.8 trilyon nitong nakalipas na taon.
At kung tunay na papalapit na tayo sa “Golden Era,” bakit 40% ng tax revenues ng pamahalaan ay nauuwi lamang sa pagbabayad ng utang?
Sinabi rin ng BTr na ang debt-to-gross domestic product ratio ay lumobo na sa 60.9%, mataas sa international threshold ng 60%. Samakatuwid, nanganganib ang bansa na sumisid sa panibagong credit downgrade at mahihirapang umutang.
Sa ganitong kalagayan, saan mamumulot ng salapi itong sila Marcos para punan ang ipinagyayabang na sovereign wealth fund na binansagang Maharlika kung ang bayan ay dukha? Ibebenta ang Pagcor para sa Maharlika? Kukupitin ang pera ng iilang kumikitang pampublikong korporasyon para pondohan ang luho ng Malakanyang?
Baka kayang pondohan nila Rep. Joey Salceda at Rep. Stella Quimbo ang Maharlikang iyan, sampu ng mga pulitiko na gustong ubusin ang salapi ng bayan masabi lang na parang Singapore ang Pilipinas na may Temasek na at GIC pa na parang wealth funds.
Para naman sa ikatatalino ng mga bataan ni Marcos, nagkalugi-lugi na ang Norway wealth fund, Swedish pension fund at ang mga pondo ng France, Singapore at iba pa.
Kung susuyurin mo ang kasaysayan ng bansa, hindi ka tataya sa Maharlika ni Marcos Jr. Sa ilalim ng kanyang ama, ang utang ng PIlipinas ay tumaas ng 42-ulit, mula $460-milyon noong 1965 hanggang $19.3 bilyon noong 1985.
Sa loob ng nasabing panahon, hindi nangutang ang Malaysia, Singapore at South Korea mula sa IMF at WB. Bumagsak ang ekonomiya ng 7% noong 1984 at 6.9% sa sumunod na taon. Nabuko pa na nandaya ng $600 milyon ang Bangko Sentral sa reserba nito.
Sa dekada ng 1980s, tanging ang Pilipinas lamang sa buong Asia ang nabaon sa debt crisis. Ang inflation rate noong 1985 ay 12.6% at ang unemployment ay parang balloon na tumaas sa 49.8%.
Ang real wages ng manggagawang bukid ay bumagsak ng 43% at 71% naman para sa manggagawang industrial.
Sinasabi ng mga henyo sa Kongreso at Senado na kailangang baguhin ang Saligang Batas upang bumaha ng foreign direct investments (FDIs) sa Pilipinas subalit iyan ang patakarang ipinatupad ng ama ni Marcos Jr. mula 1965 hanggang 1985 habang pinayaman niya ang kanyang mga cronies.
Ngayon naman ay may Private Sector Advisory Council (PSAC) na sinasabing siyang umuugit ng mga panuntunang ekonomiko. Tamang-tama iyan, pisak ang bansa.
Ano ang naging epekto ng pagbubukas ng ekonomiya sa dayuhang puhunan mula 1965 hanggang 1985?
Tanging Pilipinas lamang sa buong Southeast Asia ang nagtala ng nakalulungkot na datos: Bumagsak ang bahagi ng agrikultura at industriya bilang bahagi ng gross domestic product (GDP.)
Iyan ang dahilan kung bakit nauso ang OFWs. Walang hanapbuhay sa bansa kaya ipinatapon ang milyun-milyong Pilipino sa ibayong dagat.
Teka muna, meron pa palang maaaring pagkunan ng salapi para sa Maharlika.
Ayon sa World Gold Council (WGC), noong Hunyo 2022 ay may 150 metriko toneladang ginto ang Pilipinas, kulelat sa listahan ng 27 bansang nagtatago ng ginto.
O baka naman pwedeng ilabas ni Imelda ang kanilang 7,500 metriko toneladang ginto upang maibsan ang hirap ng mga Mahardukha?
ola, amiga, la Rosa amiga guerrra
ola la Rosa amiga guerrera. still here in vancouver. nagpapagaling sa maraming sakit ng amoy formalin. ingat ka. teka, iba pa ba itong Saksi sa SaksiNgayon ni Atty. Vic Rodriguez
Yes. We are definitely different from that media organization — admin