Photo Credit: Batang Malolos FB
“KUNG wala namang nangyari at malinaw na itinanggi na ng Malacañang, tigilan na natin ang pagpapakalat ng fake news.”
Ito ang mariing tugon ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun ng Zambales bilang reaksyon sa social media posts tungkol sa sinasabing “road rage” sa North Luzon Expressway (NLEX) na kinasasangkutan ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
“Ang ganitong klaseng haka-haka ay nakakasira at nagdudulot lang ng kalituhan sa publiko,” dagdag ni Khonghun.
Ayon sa Zambales lawmaker, ang pagpapakalat ng fake news, partikular ang pagdadawit sa First Family, ay maituturing na lubhang delikado at iresponsableng asal.
“Hindi biro ang gumawa o magpakalat ng ganitong istorya. It undermines public trust and diverts attention from real issues that deserve serious discussion,” diin ng kongresista.
“In an age where information travels fast, verification is more important than sensationalism. We must not allow rumors to dictate the national conversation,” sambit pa ng mambabatas.
Ani Khonghun, kung hahayaan ang pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon o maling balita, mistulang magiging normal na lamang ang panlilinlang.
“Simple lang po ang pakiusap namin: verify before you share. Huwag maging instrumento ng kasinungalingan.” (ROMER R. BUTUYAN)
