WALANG kahirap-hirap na inaprubahan ng Appropriations Committee ng Kamara ang dalawa sa 52 priority legislative measures na tinutulak ng administrasyon.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House Majority Leader Sandro Marcos (Ilocos Norte 1st District) ang mga panukalang batas para sa implementasyon ng Presidential Merit Scholarship (PMS) Program at ng National Land Use Act.
Ayon kay Marcos, maayos na umuusad sa Kamara ang pagsusulong ng mahahalagang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) measures.
Nagpahayag din ng kumpyansa si Marcos na pagtitibayin ng Kongreso ang iba pang LEDAC bills sa pagpupursige ng liderato ni House Speaker Faustino Dy III.
“These committee-level approvals show the House is doing the hard work early under the steady guidance of Speaker Bojie – building consensus, refining policy and making sure the measures we bring to the floor are ready,” giit ni Marcos.
Paliwanag ng House majority leader, sa pamamagitan ng pagkatig ng House panel sa mga nabanggit na proposed bill, sisimulan na rin ang plenary deliberation hanggang sa ganap na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Marcos, ang PMS program ay batay sa naging 2025 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nais ng punong ehekutibo mabigyan ng scholarship o libreng pag-aaral ang mga senior high school graduate na ginawaran ng highest honors.
Ngayong Academic Year 2026–2027, ang Commission on Higher Education (CHED) ay mayroong nakalaang P600 milyon para sa Bagong Pilipinas Merit Scholarship kung saan target na maging benepisyaryo nito ang nasa 20,000 graduates sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ng Presidential son na sa pamamagitan ng kaukulang batas ay magiging regular na programa ng pamahalaan ang PMS program na nasimulan ng administrasyong Marcos.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyan-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na bukod sa ganap na katuparan sa hangarin ni Presidente Marcos na mapabuti ang sektor ng edukasyon ay sagot sa realidad ng buhay at hamong hinaharap ng maraming pamilyang Pilipino ang naturang panukalang batas.
“A student works hard, graduates near the top of the class, passes entrance examinations, and yet college remains uncertain because the family cannot afford the full cost of education. The obstacle is not ability. It’s affordability,” wika ni Acidre.
Bukod sa libreng tuition at pagbabayad iba pang school fees, ang PMS scholars ay makatatanggap din ng allowance para sa pagbili ng libro, school supplies, pagkakaroon ng internet connectivity, clothing o uniform allowance, dormitory o transportation support, at iba pang education-related subsistence o living allowances.
Hinggil naman sa proposed National Land Use Act, sinabi ng Ilocos Norte solon na layunin nito isaayos at mapag-ugnay ang pamamahala at mga plano para mapaunlad ang land resources ng bansa.
Nakapaloob din ito ang pagbuo ng isang national framework at oversight body na siyang tututok sa land use conflicts sa lahat ng lebel ng tanggapan ng gobyerno mula regional, cities hanggang sa municipalities.
“The House has kept pace on the broader LEDAC agenda, with eight priority bills already on advanced stages in the committee levels, reflecting what he described as a disciplined push to align legislation with the administration’s priorities and the needs of ordinary households,” sambit ng batang Marcos..
“Our focus remains on bills that directly affect education, health, food security and social protection, because these are the areas where legislation turns into something families can actually feel,” aniya pa.
“Kaya we make sure that we expedite the approvals of these LEDAC measures kasi alam namin na tunay na ginhawa ang hatid ng mga panukalang ito para sa ating mga kababayan.”
Samantala, tiniyak ni Marcos na on-track ang Kamara sa target na pagtibayin ang lahat ng LEDAC measures at sa paglusot sa committee level ng dalawang nabanggit ay may anim na silang masusing tatalakayin kabilang ang Bureau of Immigration (BI) modernization; pagbuo sa Independent People’s Commission; pag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act at Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises; at ang pagpapaliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pagmamalaki ng ranking House leader, 12 sa 52 LEDAC priority measures ang pinal nang naipasa ng Kamara at patuloy nilang binibigyan ng prayoridad ang mga batas na direktang makatutugon sa pangangailangan ng bawat mamamayang Pilipino, kabilang ang sa aspeto ng education access, public health services, food affordability, at social protection. (ROMER R. BUTUYAN)
