“COME home and face all the charges.” Ito ang hamon ng bagong hirang na Director ng National Bureau of Investigation (NBI) kay dating presidential spokesperson Harry Roque na patuloy nagtatago sa batas kaugnay ng kasong qualified human trafficking sa isyu ng illegal POGO.
Sa ginawang courtesy call sa Department of Justice (DOJ), hinimok ni NBI Director Melvin Matibag ang kapwa abogadong si Roque na umuwi na ng Pilipinas upang harapin ang mga kinakaharap na kaso.
Sinabi ni Roque kamakailan na ang NBI appointment ni Matibag ay gantimpala sa pag-file ng disbarment complaint laban sa kanya dahil sa “polvoronic” video.
Ayon kay Matibag, karapatan ni Roque ang magbigay ng opinyon.
“Yung mga right natin may kaakibat na responsibilities yan. Yung sinasabi niyang gatimpala, pananaw niya po yun,” dagdag niya.
Bilang bagong NBI chief, isa sa pangunahing direksyon ni Matibag ang pagsugpo sa fake news.
“Don’t get me wrong, hindi naman ako magze-zero sa kanya (Roque). I don’t want to get distracted sa ganyan. Everybody will be treated the same. The bureau is not for one person or one group only… It is for everybody. We have to protect the people. Protector tayo ng taong-bayan,” aniya.
Samantala, mariing itinanggi ni Matibag ang giit ng dating tagapagsalita ni former President Rodrigo Duterte — na ang pwesto sa NBI ay ang katumbas na gantimpala sa ginawang paghahain ng disbarment case laban kay Roque na umano’y nagpakalat ng “pinekeng” video ng “pagbatak” ng isang lalaking kahawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paglilinaw ni Matibag, inaplayan niya ang naturang pwesto ilang linggo matapos manalo ni Marcos sa ginanap na 2022 presidential election.
Nangako naman si Matibag na magiging bukas ang ahensya sa lahat ng iniimbestigahang kaso para sa kapakanan ng publiko. (JULIET PACOT)
