PARA sa mga militanteng kongresista sa Kamara, panlilinlang lamang di umano ang puntirya sa likod ng Constitutional Convention (ConCon) na kalakip ng Charter Change (ChaCha) na isinusulong sa Kongreso ng mga kaalyado ng Palasyo.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang pagsayaw ng Kamara sa ChaCha ay isang palabas at hindi nakasentro sa economic provisions ng 1987 Constitution, sa paglutang ng senaryong ‘no elections’ (Noel) at pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyales ng gobyerno.
“Nililinlang ng Kongreso ang taumbayan kung sasabihing – concon para sa econ lang ito” ani Castro kasunod ng pag-amin ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Rep. Rufus Rodriguez ang posibilidad na isama ang mga political provisions sa amyenda ng Saligang Batas.
Sinabi umano ni Rodriguez sa on-site consultation sa Cagayan de Oro City noong Pebrero 10, magkakaroon ng constituent plenary power ang mga ConCon delegates kasabay ng pahiwatig sa nakaambang pakikialam sa mga political provisions sa ilalim ng 1987 Constitution.
Nitong nakaraang Lunes, inulit pa di umano ni Rodriguez ang ‘paramdam’ matapos pagtibayin ng komite ang dagdag na probisyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 kung saan byod sa ihahalal na ConCon delegates ay bibigyan laya ang Pangulo, Senate President at Speaker ng Kamara na magtalaga ng dagdag miyembrong tatayong kinatawan naman ng ibang sektor.
“Malinaw na hindi ito limitado sa econ lang. Bakit? Kasi sa jurisprudence natin, tinagurian ang “constituent power” na ito bilang “nagmumula mismo sa taumbayan” at ”from the inherent powers of the people,” ani Castro.
Bukod sa political amendments, ay hindi malayong suspendehin ng ConCon delegates ang 2025 election dahil sa constituent power na ibibigay sa mga delegado.
“Kung mapagtripang tanggalin yung anti-dynasty provision o kaya yung accountability of public officers, pwede? Kung maisipan ng Concon na i-suspend ang 2025 elections o yung “no-el” scenario, magagawa niya? Yes ang sagot sa lahat ng yan,” aniya pa.
Maging ang term extension na matagal nang isinusulong sa Kongreso ay maaaring ibigay ng ConCon delegates kung saan hindi lang ang Pangulo ang makikinabang kundi lahat ng halal na opisyal ng gobyerno.