NAGPASAKLOLO ang Pilipinas sa Amerika at Japan para sa posibleng pagbabago ng istruktura ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) para mabigyan proteksyon ang mga crew laban sa electronic warfare na iwinawasiwas ng China para paigtingin ang pangangamkam sa West Philippine Sea (WPS).
Inamin ni PCG Spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kamakailan, wala pang standard operating procedure ang bansa sakaling gamitan ulit ng laser ng China ang PCG.
Hindi kasi sapat ang kaalaman ng Pilipinas sa laser technology na bahagi ng electronic warfare na bihasa na ang China.
Noong nakalipas na Pebreo 6 ay tinutukan ng military-grade laser ng China coast guard ang BRP Malapascua ng PCG habang patungo sa Ayungin Shoal na naging sanhi ng temporary blindness ng ilang tauhan ng PCG.
Umani ng batikos mula sa Australia, Japan at US ang bisyo ng China na pambu-bully sa Pilipinas sa WPS.
Hanggang note verbale at diplomatic protest na lang ang tugon ng Pilipinas sa ginagawa ng China sa WPS.
Bagama’t naniniwala si Tarriela sa diplomatikong paraan sa pagresolba ng harassment ng China sa PCG vessels at mga mangingsidang Pinoy, umaasa siyang may iba pang paraan para iresolba ito, kung ano ang naisip niyang ibang paraan, hindi naman niya tinukoy.
Kung tutuusin, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang dapat sisihin sa pag-aabuso ng China dahil wala pang tatlong buwan sa Palasyo noong 2016 ay naglunsad na siya ng diplomatic offensive.
Sinabi ni Duterte na hindi muna igigiit ng Filipinas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na sakop ng 200-mile exclusive economic zone ang mga inaangking teritoryo ng Beijing sa South China Sea upang makasungkit ng diplomatic at economic concession mula sa China.
Iginiit niya na didistansya sa US, ipinatigil ang paglahok ng Filipinas sa US Navy sa pagpatrolya sa South China Sea upang hindi mainis ang China.
Sinabi rin niya na gustong niyang palayasin sa Mindanao ang US Special Forces na sumusuporta sa counter-terrorism operations ng AFP.
Hindi raw niya kayang magsalita ng laban sa China dahil umiiwas siya sa komprontasyon.
Noong Mayo 2021 ay pinagbawalan pa ni Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na pag-usapan sa publiko ang isyu ng pangangamkam ng China sa WPS maliban kina Presidential Spokesman Harry Roque at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Kasama sa gag order si noo’y Defense Secretary Delfin Lorenzana na nag-utos na palayasin ang Chinese ships at maging ang National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) na regular na naglalabas ng mga kalatas at mga larawan hinggil sa pananatili ng Chinese ships sa exclusive economic zone.
Tinawag pa ni Duterte na isang pirasong papel na puwedeng itapon sa basurahan ang arbitral victory ng Pilipinas kontra China.
Hanggang natapos ang kanyang termino noong isang taon, umid ang dila ni Duterte laban sa China kahit wala pang limang porsyento ng ipinangako ng Bejing na US$234 bilyon loans at investment sa bansa ang natupad.
Siguradong alam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na ubra ang simpleng pagpapatawag sa Malacanang sa Chinese ambassador para sabihin na hindi siya natutuwa sa ginagawa ng China sa WPS.
Pero dahil ang kanyang top security officials ay dating mga opisyal ng administrasyong Duterte, marami ang duda kung kakasa siya sa China.