MAGING mapanuri para hindi madennggoy. Ito ang buod ng panawagan ng Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay ng di umano’y panibagong investment scam na tumatarget sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Bukod sa mga overseas Filipino workers, binalaan din ng DMW ang kani-kanilang pamilya laban sa nagpapanggap investment platforms na nanghihikayat ng pamumuhunan kapalit ng malaking kita.
Ayon sa DMW, marami na ang nabiktimang OFW sa inakalang lehitimong investment platforms na pinaglagakan ng pinaghirapang pera sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Partikular na tinukoy ng DMW ang Trade 13.0 Serax lumalabas na hindi rehistrado at hindi rin lisensyadong korporasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“Ine-engganyo ng TRADE 13.0 SERAX ang mga Pilipino na mag-invest ng kanilang perang pinaghirapan sa pamamagitan ng clickbait – ang paggamit ng makatawag-pansin na headline na umano’y mula sa isang kilalang news organization,” anang DMW.
Dagdag pa nito, “May link sa loob ng artikulo kung saan ituturo ang biktima sa isang kahina-hinalang website na nag-aalok ng return of investment (ROI) na nakakapang-akit sa interes ng marami dahil sa taas ng balik sa perang in-invest.”
Para lalo pang makahikayat ng mga mabibiktima, naglalagay ang mga ito ng mga testimonya umano sa ilang kilalang personalidad o celebrity na hindi naman napapatunayan sa kanilang kahina-hinalang website.
