SA gitna ng napipintong imbestigasyon ng Kongreso sa ‘secret agreement’ ni former President Rodrigo Duterte sa China, muling umeksena si dating Presidential Spokesperson Harry Roque, kasabay ng hirit na pakantahin si Senador Alan Peter Cayetano hinggil sa kasunduan.
Giit ni Roque, batid ni Cayetano (na tumayong Kalihim ng Department of Foreign Affairs) ang may alam sa ‘secret agreement’ sa pagitan ng administrasyon ni Duterte at China sa usapin ng BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.
Batay aniya sa kasunduan, bawal magdala ng repair materials sa BRP Sierra Madre.
Gayunpaman, pinahihintulutan ang paghahatid ng tubig at pagkain sa bahagi ng Ayungin Shoal kung saan nakahimpil ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing military outpost ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Una nang iginiit ng China na paglabag sa kasunduan ang ‘resupply mission’ ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines(AFP).
Sa isang pulong-balitaan, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang media na nagsilbing tinig ng bansa sa paraan ng patuloy na pag-uulat ng mga kaganapan sa West Philippine Sea.
Sa mga nakalipas na panahon, higit na agresyon ang ipinamalas ng China sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas na naglalayag sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Nanindigan din ang Pangulo na dedepensahan ang teritoryo, soberanya at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Taong 1999 nang magpasya si noo’y Pangulong Benigno Aquino III na isadsad na lang ang decommissioned BRP Sierra Madre Ayungin Shoal upang magsilbing military outpost ng Pilipinas sa naturang bahagi ng exclusive economic zone ng bansa.
Sa ilalim din ng termino ng yumaong dating Pangulo isinulong at napagtagumpayan ang kasong inihain ng gobyerno ng PIlipinas sa international arbitration tribunal na nagbasura sa pag-angkin sa West Philippine Sea gamit ang nine-dash line.
