SA masusing pagsusuri ng House Committee on Justice sa mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) na isinumite ni Vice President Sara Duterte, kapansin-pansin umano ang unti-unting paglobo sa yaman ng pangalawang pangulo.
Sa pagharap ni Karen Batu na tumatayong officer-in-charge ng Ombudsman Central Records Division sa komite, lumalabas na wala sa SALN ni Duterte ang tinaguriang “cash on hand” at “bank deposits” mula 2007 hanggang 2012 at 2018 hanggang 2024.
Isa-isang inusisa ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang SALNs at ipinabatid ni Datu na noong 2007 ay nagdeklara si Duterte ng net worth na P7.25 million; noong 2008 ay P18.49 million; 2009 naman ay P18.28 million; P16.24 million para sa taong 2010; noong 2011 ay P14.27 million at P22.12 million noong 2012.
Sinabi ni Chua na noong 2007 hanggang 2009 ay inilagay ng bise-presidente sa kanyang SALNs ang nasa P2 million na cash on hand at bank deposits; noong 2010 naman ay umakyat ito sa P3.66 million at P4.32 million naman noong 2012.
Nang maging alkalde ng Davao City noong 2016 ay nagdeklara si Sara ng P34.89 million na net worth at sumunod na taon ay naging P44.83 million kabilang ang P6.37 million na cash on hand.
Ipinabatid naman ni Batu ang idineklarang net worth ni Duterte at asawang Atty. Manases Carpio na P49.69 million noong 2018; 2019 naman ay P55.61 million; para sa taong 2020 ay P56.58 million; P65.31 million noong 2021; P71.06 million noong 2022; sa sumunod na taong 2023 ay P77.51 million at sa 2024 SALN ay P88.51 million.
Puna ng ilang miyembro ng komite, sa kabila ng pagtaas ng halos 60 porsyento ang net worth ng mag-asawa noong 2019 hanggang 2024, sa mga nasabing taon din o sa loob ng anim na taon ay walang idineklarang cash on hand o bank deposits ang dalawa.
“Sa madaling salita, ‘yung kanya pong cash na idineklara was only from 2007 up to 2018. Tama po ba?” tanong ni Chua.
“Based on our received copies of the SALN, Your Honor, ‘yun pong lumalabas na years na mayroon po siyang declared cash on hand and bank deposits,” sagot ni Batu.
“At nung 2019 up to 2024, kahit singko po, wala po siyang idineklara na cash at tsaka cash on hand. Tama po ba?” usisa ng Manila solon.
“Based on the submitted SALNs, Your Honor, wala pong nakalagay na cash on hand or bank deposits,” tugon ng Ombudsman officer, kung saan kasunod nito ay hindi napigilan ni Chua na maibulalas ang katagang “eh ‘di wow!”
Para sa Justice panel members, lantad ang pattern ng under declaration sa SALN ng mag-asawang Duterte-Carpio at kuwestyunableng yaman, na isa sa batayan para masabing mayroong sapat na basehan ang impeachment complaint laban sa bise-presidente.
“Para sa akin po, ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets… sa kabila ng dati meron naman na mga halaga ng mga cash on hand/cash in bank, ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara,” sambit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima.
Sa kabuuan, mula sa SALNs na isinumite ng Ombudsman, napagtanto ng komite na umakyat ng P53.6 million ang idineklarang net worth ng bise presidente sa loob ng walong taon o mula 2016 hanggang 2024.
