NASA P6.77 billion na kabuuang halaga ang naitala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang suspicious at covered transactions sa mga bank accounts na konektado sa mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio mula taong 2006 hanggang 2025.
Sa kanyang pagharap sa clarificatory hearing ng House Committee on Justice kaugnay sa dalawang impeachment complaints na isinampa laban sa bise-presidente, sinabi rin ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura aabot sa 313 covered transactions at 17 suspicious transactions ang kanilang nakita sa accounts ni Duterte habang 317 covered transactions at 16 suspicious transactions sa mister ng huli.
“Yes, there are suspicious transactions and covered transactions in our system, database, or record,” pahayag ni Buenaventura sa komite.
Sa nasabing P6.77-billion ‘red flag’ bank transactions, P3.77 billion ang sa bise-presidente habang kay Carpio ay P2.99 billion.
Base aniya sa record ng ahensya, aabot sa P1.83 billion ang pumasok sa accounts ni Duterte at P2.59 billion naman kay Carpio, o kabuuang P4.43 billion total deposits para sa dalawa.
Hinggil naman sa ‘outflow side’ o lumabas sa kanilang bank accounts, nasa P1.21 billion ang kabuuang halaga na na-withdraw kay Duterte at P343.32 million kay Carpio.
Mayroong din umanong P791.1 million halaga ng transactions ang kanilang naitala subalit hindi malinaw kung ito ay pumasok o lumabas sa bank accounts ng mag-asawa.
Pinuna rin ng AMLC ang paglobo sa bank transactions ni Duterte na nasa halagang P208.15 million noong 2007.
Mula taong 2009 hanggang 2013 naman, mas tumaas pa umano ang halaga ng mga transaksyon sa bank account ng mag-asawa na may annual totals na mahigit P400 million.
Partikular dito ang P704.93 million transactions noong 2009 at P597.15 million noong 2011, at noong 2010 ay nasa halagang P648.58 million.
Sa kabuuan, nakapagtala ang AMLC ng P3.92 billion mula sa 417 transactions mula taong 2005 hanggang 2026.
Gayunpaman, kapansin-pansin aniya ang pagbaba ng financial activities sa mga nakalipas na taon.
Ang pinakamalaking bank transactions na nasilip ng ahensya ay ang credit memos sa halagang P1.41 billion, debit memos na P1.03 billion, at fund transfers na may kabuuang halaga na P521.86 million.
Ipinabatid din ng AMLC sa House panel na mayroong din naging time deposit pre-terminations sa ‘red flag transactions’ na P218.74 million ang halaga at miscellaneous transactions na P209.29 million.
Mayroon din iba pang transactions ang natukoy na kinabibilangan ng time deposit placements at payments na P109.15 million bawat isa, withdrawals na aabot sa P62.79 million, at check deposits na P48.33 million.
Sa mga isiniwalat ng AMLC, tahasang sinabi ni abogadong Manila Rep. Joel Chua, na miyembro ng Committee on Justice, wala o hindi nakadeklara sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) na isinumite ni Duterte ang nasabing bank transactions.
Para naman kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon kitang-kita ang malaking pagkakaiba sa SALNs ng bise-presidente sa mga naitalang bank transactions ng AMLC kapwa sa accounts ng mag-asawang Carpio.
Inihalimbawa ni Ridon ang idineklara ng bise presidente na 2017 net worth na P7.250 million gayung sa nasabing taon ay aabot sa kabuuang P208.15 million ang transaksyon sa bank accounts ng pangalawang pangulo.
Noong 2008 naman ay P18.49 million ang idineklarang net worth ni Duterte pero ayon sa AMLC nasa kabuuang P46.801 million ang bank transactions nito; taong 2009 naman ay mayroon siyang P704.92 million transactions pero ang net worth niya ay P18,821 million; noong 2010 ay P648.58 million ang bank transaction at P16.24 million ang net worth; noong 2011 ay P14.271 million ang idineklarang net worth pero mayroong P597.152 million ang bank transaction; at noong 2012 ay P407.87 million ang bank transaction kumpara sa P22.116 million net worth.
Dagdag pa ni Ridon, para sa taong 2024, nagdeklara si Duterte ng P88.51 million net worth, na siyang pinakamalaking halaga sa lahat ng SALNs nito.
Subalit kung susundin ang records ng AMLC na mula 2006 hanggang 2022, sinabi ni Ridon ay mayroong grand total na P1,514,599,312.22 sa bank accounts ng bise-presidente ay malayong-malayo sa nasabing pinakamataas na net worth na idineklara niya.
“At makikita po natin dito na kahit mag-usap po tayo sa total transactions, mag-usap po tayo sa total inflows, kahit mag-usap po tayo doon sa total investment activities ng ating pong pangalawang pangulo on her transactions, hindi maibabangga doon po sa kabuuan ng net worth na P88,000,000 at doon po sa mas maliit pa nga ng net worth in a previous reporting.”
