KUNG pagbabatayan ang mga dokumentong isinumite ng Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa mga idineklarang negosyo ni Vice President Sara Duterte, lalong nadiin ang pangalawang pangulo.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice ipinrisinta ni Gerardo del Rosario ng SEC Company Registration and Monitoring Department ang General Information Sheets (GIS) at audited financial statements (AFS) ng mga kumpanya ng bise presidente.
Sa pagtatanong ni House Committee on Higher and Technical Education chairperson at Tingog partylist Rep. Jude Acidre kay del Rosario, napag-alaman ang hindi pagsunod ng ilang negosyo no VP Sara sa alituntunin ng naturang ahensya.
“Batay po sa paglilinaw ng ating kasamahan mula sa [SEC], napatunayan po natin na may mga kumpanyang hindi kumpleto ang pag-submit o hindi nga updated ang pag-submit ng kanilang mga required documents, particular ang GIS at [AFS],” wika ni Acidre.
“I would like to take note of this because this is an indication of good corporate governance to which the Vice President, of course, as a private citizen, is also duty-bound for regulatory compliance and financial transparency,” tugon ng SEC official.
Para kay Acidre, mahalagang makita rin ang estado ng mga negosyo ng pangalawang pangulo, partikular ang pagkakaroon ng kita para suportahan ang idineklarang yaman.
“We already know how much the Vice President earns as a matter of public record. Now we are seeing the possible revenues from her private businesses. These are important for a full appreciation of the issue,” ayon pa kay Acidre.
Sinabi ni del Rosario na ang Metro City Chow Foods Corporation, isa sa kumpanya ng bise presidente ay hindi nakapagsumite ng GIS noong 2017 at nagkaroon ng late submissions noong 2022 at 2023, habang wala namang isumiteng financial statements noong 2016.
Base naman sa 2024 audited financial statement, nagdeklara ang kumpanya ng P35.09 million na kita at net loss na P309,860.
Nang busisiin naman ang GenCorp Industries, Inc., isa pa sa sinasabi negosyo ni Duterte, nabigo ang naturang kumpanya magsumite ng GIS filings noong 2022 at 2023, habang sa financial data ay nagdeklara ng P28.08 million revenue noong 2021 hanggang P394.07 million noong 2024 subalit mababa naman sa P3.32 million ang sinasabi nitong net income na 2024.
Inilrawan ito ni House Committee on Public Accounts chair at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na “very curious” at sinabing “it deserves further scrutiny by law enforcement agencies.”
Napuna rin ng kongresista na wala sa stockholder lists ng GenCorp’s para sa 2024 at 2025 GIS filings ang pangalan ng bise-presidente, taliwas na pagdedeklara ni VP Sara sa kanyang SALNs.
Nang tanungin ni ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio kung ano ang business activity ng GenCorp’s, sinabi ng SEC na ang primary purpose ay mag-operate ng restaurant kung saan sa personal na paniniwala ng una ay may kinalaman ito sa isang Jollibee branch sa Davao City, na hindi naman natukoy sa official records.
Sa panig ni Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan pinuna ang pagkakatala ng pangalan ni Duterte sa Metro City Chow Foods Corporation bilang stockholder at board member mula 2022 hangang 2025, at pagkakaroon ng 500 shares base sa huling isinumite nitong dokumento sa SEC.
Base sa Section 13, Article VII ng 1987 Constitution, pinagbabawalan ang President at Vice President na pumasok sa negosyo sa panahon ng kanilang panunungkulan.
“Based on the GIS, the respondent Vice President holds shares in a private corporation. This is for the consideration of the committee,” susog ni Mindanaoan lawmaker.
Bukod sa Metro City Chow Foods Corporation at GenCorp Industries, Inc., tinukoy ng bise-presidente sa kanyang SALNs ang business interests nila ng kanyang mister na si Atty. Mans Carpio ang 888 Bistro, Kale 88 Foods Corporation, Madayaw Fisheries Corporation, Mati City Ice Plant and Cold Storage, Inc., Amyanan Shores, Inc., Geometry Security and Investigation Agency, Inc., at ang Cableto 88 Shipping and Marine Services, Inc.
