HINDI ikinalugod ng Government Service Insurance System (GSIS) ang panukalang batas na nagsusulong na ibaba sa 56 ang optional retirement age sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni GSIS Senior Vice President Jason Teng ang House Bill 206 na pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara kamakailan.
Agam-agam ni Teng, mababawasan ang paniningil ng premiums at mapapahaba rin ang pagbabayad ng pensyon sa sandaling ganap na maisabatas ang naturang panukala. Kalakip rin aniya ng pagsasabatas ng HB 206 ang posibilidad na umigsi ang itatagal ng pension funds sa bansa.
Sa kanyang pagtataya, posibleng gumuho nang tuluyan ang GSIS pagsapit ng taong 2042.
Posible rin aniyang lumiit ang pensyon ng mga kawaning pipiliing magretiro ng mas maaga dahil nakabase di umano ang buwanang pensyon ng mga retirees sa pagtatala (computation) sa haba ng panahon ng pagbabayad ng “voluntary contribution.”
Pag-amin pa ni Teng, maging ang estado ng pananalapi ng ahensya, malalagay sa peligro – “On the basis, may mawawala sa GSIS.
“Ani Teng, sapat ang pondo ng GSIS hanggang 2053. Sa ilalim na HB 206, target ibaba ang optional retirement age sa 56 – mula sa dating 60-anyos.
Bukod sa edad 56 na optional retirement age, tampok rin sa naturang panukala ang probisyong nagbibigay pahintulot sa mga kawaning nakapagsilbi na ng 15 taon pataas sa pamahalaan.
Hindi rin apektado ang benepisyong nakalaan sa mga government employees na gustong magretiro ng maaga – kung ano ang natatanggap na pensyon batay sa kasalukuyang batas, igagawad pa rin sa mga pipiliin ang early retirement.
Ang pinakamalaking sektor ng pamahalaan ay edukasyon, kalusugan, at social welfare, kung saan marami ang empleyadong ilang taon na lang ay senior citizen na.