SA halip na panagutin, pinatakas di umano ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) ang isang sasakyang dagat ng Tsina na umararo sa pangisdaan ng mga namamalakayang Pilipino sa Bajo de Masinloc sa lalawigan ng Zambales.
Ayon sa mga mangingisdang Pinoy, dalawang linggo na ang nakalipas mula nang “sagasaan” ng barkong HC Glory Hong Kong ang payaw na gamit ng mga mangingisda sa kanilang hanapbuhay sa West Philippine Sea.
Ayon sa National Youth Movement for the West Philippine Sea, Enero 17 pa naganap ang insidenteng idinulog ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa pulong na dinaluhan ni Leonardo Cuaresma dalawang araw matapos ang insidente, napag-alamang wala na sa bansa ang HC Glory Hong Kong na “pinatakas” di umano ng mga bantay-dagat at mga kawani ng BOC.
Hindi rin aniya pinagbigyan ng mga nakatalagang BOC personnel na kasamang napapatrolya ng PCG sa Bajo de Masinloc ang hiling ng mga mangingisda na makasampa sa naka-aksidenteng barko para pagbayarin sa pinsala sa kanilang kabuhayan.
Sa pagtataya ng New Masinloc Fisherman’s Association, humigit-kumulang P1 milyon ang halaga ng tinakbuhang pinsala sa payaw at maging sa kabuhayan ng mga mangingisda sa nasabing bahagi ng karagatang pasok sa 200 nautical mile radius ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Sa imbestigasyon, lumalabas na galing sa Masinloc ang HC Glory Hong Kong na naghatid ng panggatong (coal) sa Masinloc Power Plant na pag-aari naman ng San Miguel Corporation.