
HINDI na nagawa pang pumalag ng isang banyaga matapos dakpin ng mga operatiba sa aktong pagtanggap ng tinatayang P10-milyong halaga ng ketamine mula sa bansang Malaysia.
Arestado sa controlled delivery operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-Clark), Clark International Airport Drug Inter-Agency Task Group, National Bureau of Investigation at Philippine National Police (PNP), sa lungsod ng Pasig ang mestisong Tsino-Malaysian national na nakilala sa pangalang Thai Lian Shiong.
Kumpiskado rin ang mahigit sa dalawang kilo ng ketamine na ikinubli sa tatlong acupoint massage twister na inangkat pa mula sa Malaysia.
Pasok sa kategorya ng drogang inaabuso ng mga tao ang ketamine na karaniwang ginagamit bilang “stimulant” sa mga kabayo. Kasalukuyang naghihimas na ng malamig na rehas ang dayuhang suspek sa nahaharap sa kasong Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA at NBI sa hangaring matukoy at madakip ang iba pang miyembro ng sindikato.