Ni Romeo Allan Butuyan
MISMONG si House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo ay ikinagulat ang nabunyag na 11 araw lang pala, at hindi sa loob ng 19 days base sa naunang mga ulat, inubos ng Office of the Vice President (OVP) ang nasa P125 million confidential fund nito.
Sa plenary deliberation ng Kamara para sa hinihinging budget sa taong 2024 ng Commission on Audit (COA) kung saan si Quimbo ang nag-sponsor, inusisa ang Marikina City lady lawmaker hinggil sa news reports na noong nakaraang taon ay nakatanggap ng nabanggit na halaga ng confidential fund ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte para sa year 2022.
“Madam Speaker, ang totoo po ay nagulat din po ako noong mabasa ko ang mga balita na tila nagastos po sa loob ng 19 days at tinanong ko po ang COA at tiningnan ko po ang mga iba’t ibang mga reports, pero hindi po ito nagastos sa loob ng 19 days kung hindi 11 days po, Madam Speaker.”
Ang tugon ni Quimbo. Sinabi ng lady House panel senior official na ayon sa COA, January 2023 ng isumite ng OVP ang liquidation report nito at September 18, 2023 naman lumabas ang audit observation memorandum (AOM) ng state auditors.
“So Madam Speaker, ongoing pa rin ang audit at ang AOM ay preliminary findings and again may confidential nature po ang AOM bagama’t ang masasabi po natin ay ang AOM na ‘yan ay nagco-convey po ng request for additional documents,” paglalahad pa ni Quimbo.
Ani Quimbo, nagbigay naman ng katiyakan ang COA na isusumite nito sa Kamara ang full report hinggil sa kontrobersyal na P125 million confidential fund ng OVP, na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin isinasailalim sa masusing audit.
Kasabay nito, isinulong ng kongresista ang pagbuo ng House special oversight committee for confidential and intelligence funds (CIFs) upang masiguro ang pagkakaroon ng transparency at ang tinaguriang people’s money ay hindi basta nawawaldas na lamang o hindi nagagamit ng tama.
“Sana po ay suportahan ninyo po ako sa aking panawagan ng ganitong creation ng special oversight committee,” ang hirit pa ni Quimbo.