Ni Estong Reyes
HINILING ni Senador Chiz Escudero sa Palasyo na magtalaga kaagad ng full-time at maasahanag kalihim ng Department of Agriculture (DA) upang matiyak na matutugunan ang hamon na kinahaharap ng ahensiya kabilang ang kampanya laban sa rice smuggling at hoarding.
Kasabay nito, hiniling din ni Escudero sa Palasyo na tugisin, pangalanan at ipakulong ang lahat ng sangkot sa rice hoarding at smuggling na lubhang nagpapahirap sa consumer dahil tumataas ang presyo ng butil.
“Siguro ang unang hakbang para matutukan talaga ang Department of Agriculture ay maglagay na ng permanente at full-time na secretary sa departamentong iyan. Kung mahalaga talaga iyan, kailangang may full-time at dedicated na kalihim at hindi part-time lamang,” ayon kay Escudero.
Sinabi ni Escudero na naiintindihan nito ang kagustuhan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na personal na hawakan ang ahensiya, pero mas maraming isyu na may national concern na dapat tugunan bilang head of state.
“Maganda ang intensyon ng Pangulo. Ang problema ay iisa lang ang katawan niya, dadalawa lamang ang mga kamay niya at ang 24 oras niya ay 24 oras din nating lahat.,” ayon sa senador.
“Hindi kaya nitong pagtama-tamain na gampanan pa rin niya ang trabaho bilang Pangulo ng bansa na sinu-supervise ang lahat ng departamento. Importante rin naman at matutukan din ang bawat butil, gagamitin ko na ang salitang butil, ng problema na kailangang asikasuhin dito sa Agriculture department,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, nanawagan din si Escudero sa pamahalaan na tugisin ang rice hoarding at smuggling sa pamamagitan ng pagbubulgar ng kanilang pangalan, hindi lamang ang trading companies na sangkot sa illegal activities at pagsasampa ng kaukulang kaso.
“Noong tinanong ko si Senator Cynthia Villar dun sa interpellation sa anti-agricultural smuggling bill, ang sabi niya ay puro pangalan lamang ng mga kumpanya ang binigay daw sa kanya ng Bureau of Customs,” ayon kay Escudero.
“Ang problema doon eh hindi naman makakasuhan ng criminal na kaso ang mga kumpanya. Hindi naman makakagawa ng krimen ang kumpanya; ang gumagawa ng krimen ay tao at kung may parusa man sa kumpanya, ‘yan ay tatanggalan lang ng lisensya o registration ng SEC (Securities and Exchange Commission) pero hindi naman pwedeng mag-hoarding, mag-smuggling ang kumpanya. Tao ang gumagawa noon kaya tao ang dapat kasuhan,” giit niya.
“Under the Republic Act 10845 or the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, rice smuggling and hoarding are classified as economic sabotage which are non-bailable offenses and carry a penalty of life imprisonment ,” patapos ng mambabatas.
Karagdagang Balita
DEDMA: WARRANT OF ARREST KASADO VS. 4 OVP OFFICIALS
PAHABOL SA NTF-ELCAC: P7.5M ALOKASYON KADA BARANGAY
PASTOR APOLLO QUIBOLOY, DINALA SA OSPITAL – PNP