NAGPAHAYAG ng pag-aalala si Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila De Lima para kay Vice President Sara Duterte na posible aniyang nagdurusa ng karamdaman sa pag-iisip.
Ayon kay De Lima, wala sa tamang pag-iisip si Duterte nang hayagang isapubliko ang bantang ipapatumba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin ang kabiyak na si Liza Araneta at pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.
Partikular na tinukoy ni De Lima ang livestream video kung saan ginawa ng bise presidente ang “kill threat” na natunghayan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.
“Sa tingin ko po, sa akin po, ito ang pinakamalalang ground for impeachment dahil ipinakita nito ang kawalan ng tamang pag-iisip ni VP Sara. Again, I’m not a psychologist or psychiatrist, but that’s what I can see from the character and personality of VP Sara,” wika ng ranking lady House minority official.
“The threat is one of the most important in the sense that it gives us an insight into the true character and moral fiber of the VP,” dagdag ni De Lima.
Sa live stream press conference ni Sara noong Nobyembre 23, 2024, nagkaroon ng direktang pagkakataon ang publiko na makita ang karakter ng bise-presidente at masasabing nangyari sa unang pagkakataon na pinangalandakan ng isang nakaupong mataas na opisyal ng bansa ang isang pagbabanta.
“It finally revealed Sara Duterte at her most transparent and unfiltered moment. And para sa akin po, this is not an aberrant attitude of a Duterte. In fact, it is their trademark character,” pahayag pa ng mambabatas.
Ayon kay De Lima, ang pagsasaad mismo ng bise presidente ng pagkuha ng hitman ay dapat seryosohin at hindi lang simpleng retorika lalo pa’t sa bibig niya mismo nagmula.
Sa panig ni House Senior Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor, hindi lamang kasong kriminal ang dapat kaharapin ni Duterte sa seryosong banta bagkus ay isang tuwirang impeachable offense.
“It’s not simply a threat punishable under our statutes, a threat defined under the Revised Penal Code, but this is an impeachable offense, which violates the Constitution,” giit ng Visayan solon.
“Thus, it is betrayal of public trust, a high crime because of the gravity of this act of the Vice President,” dugtong ni Defensor.
Para naman kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, mahirap pabulaanan ang mga binitiwang banta ng bise presidente.
“Iyong video presentation naman po, sabi nga that thing speaks for itself, res ipsa loquitor. ‘Yung video mismo lahat naman tayo napanood ‘yun. In fact, ito ay nai-report pa ‘di lang sa ating bansa pati sa buong mundo, kaya medyo mahirap na i-rebut lahat ng mga ito,” ani Chua sa panayam sa DZBB.
Base sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI), ang nasabing video ay “genuine, unaltered, and not generated by artificial intelligence.”
