SA ikalawang pagkakataon, muling inimpeach ng Kamara de Representantes si Vice President Sara Duterte.
Sa botong 257 pabor, 26 kontra at siyam na abstention, pinaboran ang rekomendasyon ng House Justice Committee na i-impeach ang pangalawang pangulo batay sa mga ebidensyang nakalap sa mga pagdinig ng panel.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, 106 kongresista lang ang kailangan (katumbas ng one-third ng kabuuang bilang ng mga kasapi) para umusad sa Senado na tatayo bilang impeachment court, ang reklamo laban kay Duterte.
Apat na Articles of Impeachment ang inaprubahan ng House Justice Committee, kabilang ang Article I kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education.
Pasok din sa Articles of Impeachment ang Article II kaugnay ng umano’y tagong yaman ni Duterte, gayundin ang malaking diperensya sa isinumiteng Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) at ang pananatili ng interes sa ilang negosyo sa panahon ng panunungkulan bilang bise-presidente.
Bahagi rin ng Articles of Impeachment ang Article III kaugnay naman ng pamumudmod ng pera sa mga opisyal ng Department of Education na may kaugnayan sa procurement process ng ahensya.
Kabilang rin sa mga batayan na tinutulak ng naturang komite ang umano’y pagbabanta ni Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
