MATAPOS ang anim na buwan ng pagliban, biglang lumutang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bago pa man magsimula ang botohan para sa pagpapalit ng liderato sa mataas na kapulungan.
Sa plenaryo, emosyonal na inilahad ni Dela Rosa ang tangkang pagharang ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanyang pagdalo sa plenaryo ng Senado.
“Anong klaseng gobyerno ito? A sitting senator hinaharang hindi papasukin sa sesyon… kung ako’y absent hinahanap ako ako ninyo, sumusuweldo, hindi nagpapakita. Ngayon nagpapakita ako dito, nagkasugat-sugat ako,” wika ni Dela Rosa sa isang panayam.
“This is the Senate, wala silang respeto sa institution ng Senado, ba’t ganoon ang NBI.”
Buwan pa ng Nobyembre ng nakalipas na taon nang huling nakita ang senador na umano’y nakatakdang dakpin sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“I am a senator of this Republic, kung di ako papasok, hinahanap n’yo, ngayon papasok na ako tatanungin n’yo ako bakit ako pumapasok?”
“This is the worst government… ayaw nila ako papasukin para hindi makaboto. Yan ang purpose nila,” dugtong ni Dela Rosa.
