TALIWAS sa mga kumakalat na impormasyon sa social media, nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa umano’y P15-bilyong halaga ng ghost projects sa loob ng sandatang lakas.
Sa isang pulong-balitaan sa Kampo Aguinaldo, ibinahagi rin ni Col. Francel Margareth Padilla na tumatayong tagapagsalita ng AFP, ang planong paghahain ng kaso sa mga indibidwal o grupong nasa likod ng tinawag niyang “fake news.”
Paglalarawan ni Padilla sa kumakalat na impormasyon sa social media, malisyoso at hangad lamang aniya ng mga nasabing “balita” gipitin ang AFP na una nang nilapitan umano ng ilang grupong nais pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Bukod sa mga nagkakalat ng fake news na nag-uugnay sa sandatahang lakas sa P15-billion ghosts project, kabilang rin sa mga namumuro asuntuhin ng AFP ang mga nananawagan na bawiin ng militar ang suporta sa pamahalaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Padilla, walang naganap na pormal na pagpupulong sa pagitan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner at sa retired AFP officials para sa pagbawi ng suporta sa pamahalaan.
Nanindigan ang AFP spokesperson na walang ghost project ang AFP dahil lahat ng pasilidad-militar sa ilalim ng programang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad o TIKAS ay pinopondohan at ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways.
Ang tanging papel lang umano ng AFP ay magbigay ng rekomendasyon base sa operational needs gaya ng barracks, training facilities, at headquarters buildings.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nangangasiwa sa aspeto ng implementasyon. (EDWIN MORENO)
