SA layuning maging isang pambansang polisiya ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas, inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga eksperto ng Kamara de Representantes na magsagawa ng komprehensibong pag-aaral para gawing permanente ang naturang program.
Para kay Romualdez, ang naturang hakbang ay bilang suporta na rin sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin na makabili ng abot-kaya halaga ng bigas ang bawat pamilyang Pilipino.
Ayon sa lider ng Kamara, mahalaga ang inisyatibang ito para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain at matulungan ang milyun-milyong pamilya. Aniya, handa ang Kamara na gumawa ng kinakailangang batas upang maisakatuparan ang nasabing layunin.
Kaya naman nais ni Romualdez pangunahan ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), na pinamumunuan ni House Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel M. Miral Jr. ang pag-aaral sa mga polisiya, pananalapi, at lehislatibong landas upang maisakatuparan ang pangako ng Pangulo noong kampanya.
“Kung kaya sa ilang lugar, dapat kayanin sa buong bansa. President Marcos has set an aspiration that resonates with every Filipino family. It’s now our job in Congress to back that up with data, strategy, and decisive legislation,” wika ni Romualdez.
Ayon sa lider ng Kamara, inaasahang matatapos ang pag-aaral ng CPBRD sa loob ng 60 araw, na siyang gagamitin gabay ng Kamara sa paggawa ng badyet para sa susunod na taon.
Batay sa paunang pagtataya, nagkakahalaga ng P7 kada kilo ang kakailanganing subsidy sa pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa may 44 milyong mahihirap at halos mahirap na pamilya na kumokonsumo ng 20 milyong kilo araw-araw.
Sa pagtataya ng lider-kongresista, aabutin sa P140 milyon ang kailangan balikatin ng pamahalaan kada araw o humigit-kumulang P51.1 bilyon kada taon.
Upang kayanin ng gobyerno, iminungkahi ni Speaker Romualdez na ipatupad ito ng dahan-dahan sa loob ng apat.
Ngayong 2025, ang sakop lamang ng programa ang pinakamababang 20 porsyento ng populasyon, na mangangailangan ng tinatayang P17 bilyon. Sa 2026, palalawakin ito sa pinakamababang 35 porsyento, na may gastos na P30 bilyon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
