HINDI haka-haka o gawa-gawang kwento ang pagkakaroon ng P4.4-bilyong halaga ng mga transaksyon sa bank account na iniuugnay sa mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.

Ito ang giit ni House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers kasabay ng panawagan para sa mas malalim na imbestigasyon sa paniwalang higit pa sa naturang halaga ang posible aniyang pumasok sa kaban ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Barbers, ang transaksyon na ibinahagi ni AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura ay sakop lamang ng covered at suspicious transactions na naire-record ng AMLC.

“Hindi po ibig sabihin na P4.4 billion lamang ang kanilang pera. Itong P4.4 billion ay summary ng kanilang covered and suspicious transactions as reported to the Anti-Money Laundering Council,” wika ni Barbers.

Base sa testimonya ni Buenaventura, kabilang sa nasilip na bank transactions ay ang P41 million withdrawals ni Carpio sa loob lang ng isang araw.

Ayon kay Buenaventura, naglabas ng P23 milyon si Carpio noong Agosto 6, 2022 mula sa BdO bank account, bukod pa sa P18 million mula sa PNB,.

Sa datos ng AMLC, lumalabas na aabot sa P319.33 million ang inward remittances mula mainland China at Hong Kong sa Cale88 Foods Corporation kung saan may 47.5-percent interest o shares ng abogadong kabiyak ng pangalawang pangulo.

“Dahil dito, makikita natin kung may basehan yung paglobo ng kanyang net worth mula noong 2007 hanggang 2025,” dagdag niya.

Giit naman ni Deputy Speaker Janette Garin, ang mga nakitang halaga ay dapat tumugma sa sworn declarations o SALN ng bise presidente.

“Ang SALN ay sinumpaang salaysay, pirmado, kung saan nagre-reflect doon ang yaman at utang ng isang opisyal. Hindi naman mali kung may pera ang isang tao. Hindi rin mali at maganda nga kung may negosyo ang isang tao. Subalit dapat magtugma ito sa SALN, sa idineklara ng isang opisyal,” sabi ni Garin.

Nais din ni Garin na malaman ang batayan sa Chinese remittances sa Cale88.

“Ano ba ang resibo? Anong invoice? Anong pruweba? Bakit nagkaroon ng pagpapadala ng P319.3 million galing sa China? Kapag walang tinatago ay walang dapat katakutan. Kapag walang tinatago ay hindi dapat pigilan ang mga sasabihin ng ating AMLC executive director.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *