MALAKI ang pagkakaiba ng financial transaction reports na hawak ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kumpara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na idineklara ni Vice President Sara Duterte. Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers ang datos na nakalap ng AMLC mula sa mga banking institutions kung saan may deposito ang mag-asawa. Ayon kay Barbers, kabilang sa mga naispatan ang P41 million total withdrawals na ginawa ni Carpio sa loob lamang ng isang araw, base na rin sa testimonya ni AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura sa Senate impeachment court. Paglalahad ni Buenaventura, si Carpio ay nag-withdraw umano ng P15 million, P8 million, P5 million, P5 million, P3 million at P5 million, sa kanyang bank accounts noong Agosto 6, 2024. Giit ni Barbers, ang withdrawals ay nag-iwan ng malaking katanungan kung saan napunta ang pera gayung walang idineklarang cash in bank at cash on hand si Duterte sa SALN para sa nasabing taon. Batay sa AMLC records, aabot sa P4.4 billion ang total transactions sa financial accounts ng Duterte-Carpio couple mula 2007 hanggang 2025. Subalit ang mga bank transaction na ito ay ang saklaw lamang ng flagged transactions ng AMLC kung kaya maaaring mas higit pa sa P4.4 billion ang maaaring pumasok at lumabas sa bank accounts ng dalawa. “Nakita din na may cash withdrawals and insurance sa name ni Mans Carpio. Deposits and cash transactions sa name ni VP. Itatapat natin ito sa SALN declaration niya. Para makita kung may basehan ang paglobo ng kanyang yaman from 2007 to 2025 kung saan ito ay lumobo ng halos 99-M ang paglaki,” ani Barbers. “Nakita na natin ang financial trail at ito ay hindi na haka-haka. Ito ay hindi gawa-gawang kwento. Ito ay may resibo, ito ay galing mismo sa reports ng covered institutions, ng mga bangko na nabanggit kung saan meron accounts ang mag-asawang Duterte-Carpio,” dagdag ng dating kongresista. “Ito ay nagpapakita na meron talagang hindi maipaliwanag na yaman na pumasok at lumabas sa bangko sa pamamagitan ng mga transaksyon. Hindi natin masasabi sa ngayon na meron krimen na nangyari. Kailangan magkaroon ng sapat na paliwanag– ano ba itong mga transaksyon na ito?” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Tagausig: AMLC record mas matibay kesa China denial P4.4B labas-masok sa bangko, Mans Carpio damay sa kaso?