Ni Estong Reyes

HINDI tinanggal o binawasan ng Senado ang badyet ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa confidential and intelligence (CIFs) na umabot sa P4 bilyon sa pinagtibay na bersiyon ng Senado sa 2024 national budget, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Miyerkoles.

Nitong Martes, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang P5.68 trilyon na pambansang badyet sa susunod na taon.

“Of course, no one dared to touch the CIF of the President,” ayon ay Pimentel sa   Viber message hinggil sa kanyang panukala na bawasan ang intelligence funds ng Office of the President.

Sa ginanap na  plenary deliberations sa 2024 General Appropriations Bill (GAB),  sinabi ni Pimentel na wala itong problema sa alokasyon ng  confidential funds sa OP bilang  civilian agency.

Pero, hindi umano siya pabor sa paglalaan ng intelligence funds sa OP dahil hindi naman binubuo ito ng  uniformed and military personnel, at lahat ng tanggapan na may tungkulin na kumalap ng    intelligence ang nakapailalim sa kanyang direct supervision.

Mula sa P10.707 billion budget sa panukala ng OP sa 2024, P2.250 billion  ang inilaan bilang   confidential expenses habang P2.310 billion  ang nakalaan sa intelligence expenses.

Kamakailan, ilang ahensiya ang nag-waived o nagpabawas ng CIFs kabilang ang

Office of the Vice President, Department of Education at Office of the Ombudsman.

Naunang inihayag ng  Department of Budget and Management na umabot ang kabuuang  halaga ng confidential and intelligence funds sa lahat ng ahensiya sa panukalang 2024 budget sa P10.14 billion, kabilang ag P4.5 billion sa Office of the President (P2.25 billion confidential and P2.31 billion intelligence fund) at P500 million sa Office of the Vice President.

Nakasalang ngayon ang 2024 GAB sa  bicameral conference level na may layunin na pagsamahin o pag-isahin ang ilang di napagkakasunduang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.   

By ..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *