
ASAHAN ang paspasan, puspusan subalit mabusising pagtalakay ng Kamara sa panukalang P5.768-trilyong 2024 national budget sa pagbubukas ng ikalawang regular session ng Mababang Kapulungan pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 24.
Pagtitiyak ni House Speaker Martin Romualdez, una sa adyenda ng Kamara ang General Appropriations Bill (GAB) at iba pang mga priority bills ng Palasyo.
Katunayan aniya, agad na itatakda ang pagtalakay sa national budget at 20 LEDAC pet bills pagkatapos ng SONA ng Pangulo.
Inaasahan ng lider ng Kamara na mapagtitibay sa Mababang Kapulungan ang mga naturang panukala bago matapos ang 2023.
Sa unang 10 buwan ng 19th Congress, 20 panukala ang tinatalakay sa plenaryo kada araw ng sesyon ng Kongreso. Sa kabuuan, 9,600 mga panukala – 8,490 na panukalang batas, 1,109 resolusyon at isang petisyon – ang tinugunan ng Kamara.
Inaprubahan din ng mga mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa ang 33 sa 42 panukalang batas na nakalista bilang priority measures ni Pangulong Marcos at ng LEDAC, na bahagi ng kabuuang 577 na panukalang batas na naipasa sa huling pagbasa, kabilang ang P5.268-trilyong 2023 national budget.