PORMAL nang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang 2026 national budget. Ang halaga — tumataginting na P6.793 trilyon.
Personal na dinala ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang 2026 National Expenditure Program (NEP) kay Senate President Francis Escudero at Senador Sherwin Gatchalian na tumatayong chairman ng committee on finance.
Tampok sa 2026 NEP ang P1.224 trilyong alokasyon para sa edukasyon, kasunod ang P881.3 bilyon para naman sa imprastraktura. Pumangatlo lang ang sektor ng kalusugan na binigyan lang ng P320.5 bilyon.
Sa isang panayam, tiniyak ni Gatchalian na pagtitibayin ng senado ang panukalang 2026 budget bago sumapit ang Christmas break ng Kongreso.
Garantiya ng senador, ibabalik ng mataas na kapulungan ang General Appropriations Bill na hindi tumutugma sa NEP kesehodang humantong pa sa “re-enacted budget.” (ESTONG REYES)
