NI EDWIN MORENO
WALANG naganap na “stand-off” sa pagitan ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas at Malaysia, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa isang pahayag, hayagang tinawag na “fake news” ng AFP ang kumakalat na video na ipinaskil ng Info Spark Hub.
Ayon sa video uploader, uminit umano ang tensyon sa pagitan ng Malaysian patrol vessel na KD Pahang at BRP Magat Salamat ng Philippine Navy sa karagatan malapit sa Sabah noong Agosto 11.
Naglabas umano ng radio challenge ng Malaysian patrol vessel ang barko ng Pilipinas para mag-iba ng direksiyon at lisanin ang inaangkin nitong territorial waters, subalit tumanggi umano ang kapitan ng BRP Magat na umalis, kasabay ng giit na pasok sa teritoryo ng Pilipinas ang lugar kung saan naglalayag ang Philippine Navy ship.
Matapos umano ng negosasyon at back-channel communications, natapos ang standoff nang walang karahasan
Para sa AFP, malinaw na may mga nais gibain ang anim na dekadang diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa AFP, pasok sa kategorya ng banta sa pambansang seguridad at kaayusan sa southeast Asian region ang pagpapalaganap ng maling impormasyon “sa ngalan ng politika.”
