TULUYAN nang nadiin sa kasong katiwalian si dating Senador Bong Revilla matapos kumpirmahin ni dating District Engineer Henry Alcantara ang pagtanggap ng P90-milyong kotong sa flood control project sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan 4th Division, ikinuwento ni Alcantara kung paano napasakamay ng senador at anim na iba pa ang kickback mula sa nasabing proyekto.
Pag-amin ni Alcantara, drayber niya mismo ang naghatid ng pera sa Diamond Hotel sa lungsod ng Maynila.
Kasama rin aniya sa dinalhan ng pera si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na umano’y nag-utos sa kanya kumuha ng “advance payment” mula sa kontratista.
Aminado rin si Alcantara na “sumunod sa utos kahit na alam niyang mali.”
Gayunpaman, nilinaw ng sinibak na DPWH official wala siyang kinalaman sa mga “ghost” projects sa nasasakupang distrito. Hindi na rin umano niya nagawang mag-inspeksyon dahil marami naman aniyang inspektor ang kagawaran.
