SA kabila ng limitadong panahon, desidido ang tri-committee ng Kamara ilantad ang umano’y hayagan at sistematikong pagkakalat ng fake news at iba pang malisyosong impormasyon gamit ang social media.
Ayon kay Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, na tatayong lead chair ng joint panel – na binubuo ng tatlong komite — target congressional inquiry tuklasin at tuntunin ang mga personalidad sa likod ng tinawag niyang “massive disinformation machinery.”
Pasok sa joint panel ang House committees on Public Order, Public Information, at Information and Communications Technology (ICT).
Nakatakda rin ilatag sa isasagawang imbestigasyon ang epekto ng fake news sa mga mamamayan at maging sa lipunang ginagalawan.
Binigyan-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng agarang matugunan ang malawakang disinformation o pagpapakalat ng maling impormasyon para linlangin ang publiko na aniya’y nakakaapekto sa pambansang pagkakaisa, kaayusan sa lipunan at mga demokratikong proseso.
“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa mga maling impormasyong nagdudulot ng takot, kalituhan at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” wika ni Fernandez.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa briefing ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing social media platforms para ipaliwanag ang umiiral na polisiya at hakbang sa pananagutan sa paglaban sa fake news, cyberbullying, at mapanirang content.
Nais ng mga miyembro ng Kamara alamin ang kakayahan at ang ipinapatupad na polisiya ng mga online platforms sa paglaban sa disinformation, gayundin ang paglikha ng kinakailangang batas bilang solusyon.
Tiniyak naman ng tri-comm lead chair na mananagot sa batas ang mga nagkakalat ng kasinungalingan at nagmamanipula ng impormasyon para sa sarili kapakinabangan at interes sa politika.
“Hindi natin hahayaang magpatuloy ang sistemang panlilinlang sa ang ating mga kababayan. Panahon na upang isapubliko ang mga tao at grupo sa likod ng pagkakalat ng kasinungalingan,” dagdag niya.
Kabilang sa mga pangunahing isyu na tatalakayin sa briefing ang transparency ng mga social media platforms sa pagtukoy at pagtanggal ng maling impormasyon, ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pananagutan laban sa mga paulit-ulit na lumalabag tulad ng mga iresponsableng vlogger at influencer, at ang mas malawak na epekto ng disinformation sa pambansang seguridad, lalo na sa usapin ng hidwaan sa West Philippine Sea.
Tututukan din sa nasabing imbestigasyon ng Kamara ang mga panganib na dulot ng fake news sa mga ordinaryong Pilipino, higit lao sa hanay ng kabataan at yaong kabilang sa marginalized sector na karaniwang biktima cyberbullying at online harassment.
Inaasahan din ang pagsusulong ng mas pinatibay na polisiya para sa proteksyon ng mga Pilipino at pagpapataw ng parusa laban sa mga bulilyaso. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
