SA himig ng Palasyo, pihadong parating na ang mandamiento de arresto mula sa International Criminal Court laban kina former President Rodrigo Duterte at Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na walang plano makisawsaw ang administrasyong Marcos sa naturang proseso — maliban na lang aniya kung ang International Criminal Police Organization (Interpol) ang maghahain ng warrant of arrest kina Duterte at dela Rosa na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya at punong-abala sa implementasyon ng drug war ng dating Pangulo
Ayon kay Bersamin, walang magbabago sa posisyon ni Marcos sa usapin ng ICC pero ibang usapan na umano kung ang Interpol ang magpapatulong sa pamahalaan. Aniya, hindi pwedeng isnabin ang Interpol na ayon sa Kalihim ay nakatulong sa Pilipinas sa maraming pagkakataon.
“If the ICC makes a move and courses the move through the Interpol and the Interpol makes the request to us for the arrest or delivery of the custody of a person subject to ICC jurisdiction,” ani Bersamin.
“Yung request ng Interpol should always be respected, because the Interpol is also doing us service in other areas, similar to this. So that’s the meaning of comity,” dagdag ng Palace official.
