
MATAPOS ang pagkaantalang dulot ng paglabas ng desisyon ng Korte Suprema, sisimulan ulit ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga balota para sa nalalapit na May 2025 national and local elections.
Pag-amin ni Comelec chairman George Garcia, lubhang naapektuhan ng direktiba ng Korte Suprema ang “timetable” ng ahensya. Gayunpaman, nilinaw ng punong-abala ng poll body na kakayanin ng Comelec tapusin ang paglilimbag gamit ang lahat ng makina sa National Printing Office (NPO).
Ayon kay Garcia, kailangan matapos ang pag-imprenta ng 73-milyong balota pagsapit ng Abril 14.
“Meron kasi apat pang makina sa NPO. Plano na nating gamitin ang lahat-lahat ng makina ng NPO at yung dalawang bagong makina na dinala naman ng Miru Systems, so para hopefully, ay makagawa ng paraan na madoble man lang ang production output sa bawat araw,” dugtong ng Comelec chief.
Noong nakaraang linggo, itinigil ng Comelec ang printing ng balota matapos mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema sa mga kandidatong diniskuwalipika ng poll body.
Nasa anim na milyong balota ang hindi na pwedeng gamitin sa darating na halalan sa Mayo.
“Sa Miyerkules na darating, tayo po ay magsisimula na muli, back to zero, sa pag-iimprenta ng mga balota,” ani Garcia.