MATINDING init, kawalan ng ulan at kalbong kabundukan ang nakikitang dahilan sa patuloy na pagbaba ng water level sa pitong dam sa Luzon, batay sa pinakahuling datos ng Hydrometeorology Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na abiso ng PAGASA Hydrometeorology Division, lumalabas na nasa 206.45 meters na lang ang water level ng Angat Dam na pinagmumulan ng 90% ng pangangailangan ng Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, nasa 206.27 meters na lang ang water level ng Angat mula sa 206.72 metrong naitala dalawang araw ang nakalipas.
Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na hindi hamak na mas mataas pa rin ang antas ng tubig sa dam sa 180 metrong minimum operating level, subalit mas mababa naman kumpara sa 211 meters na normal high water level.
Bukod sa Angat, kabilang rin sa mga dam na nakapagtala ng pagbaba ng water level ang Ambuklao, Binga, San Roque, Pantabangan, Magat at Caliraya Dam.
