TALIWAS sa pangakong P20 kada kilo ng bigas ng noo’y presidential candidate Ferdinand Marcos Jr., patuloy at tila di kayang awating ng gobyerno ang pagsirit sa bentahan ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Paliwanag ni Marcos sa kanyang lingguhang vlog, hindi kontrolado ng Pilipinas ang presyong dinidikta ng mga rice importers – kabilang ang mga bansang Thailand at Vietnam – sa pandaigdigang merkado.
“Talaga namang hindi natin maiwasan na makita talagang nagiging problema ang pagtaas ng presyo ng bigas dito sa Pilipinas. Pero kung titingnan natin, kahit na yung mga nag-e-export na mga bansa ay tumataas din ang presyo nila halos katumbas lang nang pagtaas dito sa Pilipinas,” wika ni Marcos sa isang netizen na pabirong nagpasaring sa kahulugan ng BBM.
Ayon sa naturang netizen, Biglang Mahal ang Bigas ang kumakatawan sa tatlong letrang ginamit ni Marcos sa kanyang pangangampanya para sa 2022 presidential election.
Bukod aniya sa dikta ng mga rice exporters, apektado rin ang bigas sa tuwing tumataas ang presyo ng langis. Gayundin aniya sa pagpapataw ng dagdag-presyo sa fertilizer at patubig.
“Lahat ng external shocks ay tinatamaan talaga tayo kaya ang ginagawa natin pinapalakas ang agrikultura upang ang produksiyon natin ay maging sapat at hindi na tayo nag-iimport, mababawasan ang mga inputs para sa ating mga farmer at sana naman ma-stabilize man lang natin yung presyo ng bigas,” hirit ni Marcos.
