KUMBINSIDO ang Department of Justice (DOJ) na walang epekto sa iba pang kasong isinampa sa husgado ang pagbasura sa tax evasion complaints laban sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya kaugnay ng mga biniling luxury cars.
Sa isang pahayag, nanindigan si DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na gumugulong pa rin ang mga reklamong kinakaharap ng mag-asawang contractor na dawit sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Martinez, hindi maaaring panagutin ang mag-asawa sa hindi nabayaran excise tax ng mga sasakyang kanilang binili, dahil hindi sila ang tunay na nag-import, kundi mga bumili o gumagamit lamang ng mga imported na sasakyan.
Iginiit ni Martinez na walang kinalaman ang mga ibinasurang tax cases sa anumang pag-abuso o maling paggamit ng pondo ng gobyerno ng mga Discaya.
Nakatakda namang isampa ng DOJ ang dalawang tax evasion cases sa Court of Tax Appeals laban sa mag-asawa matapos matuklasan ng panel of prosecutors na tinakpan ng mga Discaya ang totoong kita batay sa isinumiteng Income Tax Returns para sa taong 2020 at 2021. (JULIET PACOT)
