WALA sa plano ng Department of Justice (DOJ) maghintay sa pagbabalik sa bansa ni former Ako Bicol Rep. Zaldy Co para resolbahin ang plunder complaint na kinakaharap ng puganteng mambabatas na kabilang sa mga idinawit sa tinaguriang flood control scandal.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, maglalabas ng resolusyon ang DOJ panel of prosecutors na magsisilbing batayan kung itutuloy o ibabasura ang plunder complaint na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang hindi aniya pagsusumite ng counter-affidavit ay hindi hadlang para maresolba ang kaso batay sa ebidensya.
May 60 araw rin ang prosekusyon mula sa petsa ng pagsasampa ng kaso para tapusin at mailabas ang desisyon o resolusyon.
Bukod sa plunder case, may warrant of arrest si Co na inilabas din ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong malversation at graft dahil sa umano’y P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. (JULIET PACOT)
